Nakatanggap ng tulong pinansyal ang kabuuang 713 magsasaka sa bayan ng San Juan sa ilalim ng “Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolks Program” na isinagawa ngayong Martes, Mayo 26, sa New Covered Court.
Pinangunahan ng Department of Agriculture (DA) – CALABARZON kasama ang Agricultural Program Coordinating Office of Batangas Province ang pamamahagi ng ayuda para sa mga kwalipikadong benepisyaryo na binubuo ng 625 rice farmers at 88 corn farmers mula sa iba’t ibang barangay sa bayan.
Ayon sa mga tagapagpatupad ng programa, kabilang sa pangunahing kwalipikasyon ng mga benepisyaryo ang pagiging rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA), na nagsisilbing opisyal na talaan ng mga aktibong magsasaka at mangingisdang maaaring makatanggap ng suporta at iba pang programa mula sa pamahalaan.
Isinagawa ang programa bilang bahagi ng patuloy na pagbibigay-suporta sa mga magsasakang naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo upang makatulong sa pagpapatuloy ng kanilang kabuhayan.
Nakiisa sa programa sina Bokal Marcus Mendoza, Sangguniang Bayan Member Kon. Miljun Magadia, Congressman Caloy Bolilia sa pamamagitan ng kanyang kinatawan, at ang kinatawan ni Kon. Wenilo Ada.
Umasiste naman sa isinagawang payout ang Municipal Agriculture Office at Municipal Traffic Enforcers ng Lokal na Pamahalaan ng San Juan upang matiyak ang maayos, organisado, at ligtas na distribusyon ng ayuda sa mga benepisyaryo.
#OneSanJuan
#BetterSanJuan
0 Comments