Nagbigay paalala ang Lokal na Pamahalaan ng San Juan kaugnay ng wastong paggamit at paggalang sa pambansang watawat kaugnay ng pagdiriwang ng National Flag Days mula Mayo 28 hanggang Hunyo 12.
Sa mensahe ni Municipal Planning and Development Coordinator Monalisa Robledo sa flag raising ceremony, ipinaalala niya sa mga kawani ng pamahalaan ang mahahalagang alituntunin sa ilalim ng Republic Act No. 8491 o ang Flag and Heraldic Code of the Philippines, kabilang ang tamang paglalagay, paghawak, at pagpapakita ng watawat ng Pilipinas sa mga tanggapan at pampublikong lugar.
Binigyang-diin din ang kahalagahan ng pagpapakita ng paggalang at pagpapahalaga sa pambansang simbolo bilang pagpapakita ng pagmamahal sa bayan at pagkakaisa ng mamamayan.
Ang National Flag Days ay taunang ginugunita bilang pag-alala sa unang pagwagayway ng watawat ng Pilipinas sa Cavite noong Mayo 28, 1898, habang ang pagdiriwang nito ay nagpapatuloy hanggang Hunyo 12 kasabay ng selebrasyon ng Araw ng Kalayaan.
#OneSanJuan
#BetterSanJuan
0 Comments