Community-Based Monitoring System (CBMS)


 Upang matiyak ang maayos at organisadong pagpapatupad ng Community-Based Monitoring System (CBMS) sa darating na 2027, pormal na idinaos ng Municipal Planning and Development Office (MPDO) ng Lokal na Pamahalaan ng San Juan ang pagtitipon ng Municipal CBMS Coordinating Board ngayong Huwebes, Mayo 28 sa New Municipal Hall.

Pinangunahan ng MPDO ang naturang aktibidad katuwang ang mga kinatawan mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) at mga pinuno ng iba't ibang departamento ng lokal na pamahalaan. Layunin ng pagpupulong na pag-usapan ang pagtutulungan ng bawat sektor, tiyaking handa ang mga bagay na kakailanganin, at magplano ng solusyon sa mga posibleng maging problema sa pagpapatupad ng sensus.

Sa naging talakayan, pinag-usapan ng komite ang mga paunang hakbang bago magsimula ang operasyon at ang mga paraan kung paano mabilis na matutugunan ang mga hamon sa aktuwal na pagkalap ng datos sa bawat barangay.

Inaasahan naman ang masusing koordinasyon ng mga kasapi para sa mas pinalakas at mas maayos na pagpapatupad ng programa sa buong munisipalidad.

#OneSanJuan

#BetterSanJuan 

Post a Comment

0 Comments