Nagtipon-tipon ang 54 Seasonal Farm Workers (SFW) para sa send-off ceremony na inorganisa ng Lokal na Pamahalaan ng San Juan sa pamumuno ni MAYOR ILDEBRANDO D. SALUD, kasama sina Sangguniang Bayan Member at Committee on Agriculture Chairperson Kon. Wenilo Ada, Kon. Miljun Magadia, Municipal Administrator Annalyn Macaraig, at International Cooperation Team, nitong Miyerkules, Abril 22.
Sa naturang programa, naghatid ng mensahe at mahahalagang paalala ang mga opisyal upang matiyak ang kahandaan, kaligtasan, at kapakanan ng mga SFW sa kanilang pag-alis. Ang grupong ito ang ikaanim na batch ng mga SFW na ipadadala ngayong taon sa Hongcheon County, Gangwon-do, Republic of Korea.
Matapos ang madamdaming pamamaalam sa kani-kanilang pamilya, bumiyahe ang mga SFW bandang alas-kuwatro ng hapon sakay ng bus patungong NAIA.
Ang aktibidad na ito ay bahagi ng patuloy na implementasyon ng Seasonal Farm Workers Program, isang kasunduang pangkooperasyon sa pagitan ng LGU San Juan, Batangas at Hongcheon County, Gangwon-do, Republic of Korea.
Nagpaabot naman ng taos-pusong pasasalamat ang mga SFW at kanilang mga pamilya sa buong Lokal na Pamahalaan ng San Juan, katuwang ang International Cooperation Team, para sa oportunidad na nagbukas ng bagong pag-asa para sa kanila.
#OneSanJuan
#BetterSanJuan
0 Comments