Nagtipon-tipon ang mga kawani at opisyal ng Lokal na Pamahalaan ng San Juan, kasama ang iba’t ibang ahensya ng pambansang pamahalaan partikular ang PNP, BJMP, BFP, at PCG, upang gunitain ang Rizal Day ngayong Disyembre 30, bilang pag-alala sa buhay, mga aral, at kabayanihan ni Dr. Jose Rizal.
Isinagawa ang makabuluhang paggunita sa pamamagitan ng isang Flag Raising Ceremony na ginanap sa harapan ng Old Municipal Hall.
Dumalo sa seremonya sina Sangguniang Bayan Member Councilor Miljun Magadia, department heads, at mga kinatawan mula sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan, bilang pagpapakita ng pagkakaisa at paggalang sa pambansang bayani.
Matapos ang seremonya ng pagtataas ng watawat, nagsagawa rin ng wreath laying ceremony sa rebulto ni Dr. Jose Rizal bilang simbolo ng pagbibigay-pugay at pasasalamat sa kanyang sakripisyo at kontribusyon sa kasaysayan ng bansa. Tahimik at taimtim na inalay ng mga opisyal at kawani ang mga bulaklak bilang tanda ng pag-alala at paggalang.
Sa programa, binigyang-diin ang kahalagahan ng mga isinulong na adhikain ni Dr. Jose Rizal gaya ng pagmamahal sa bayan, edukasyon, at mapayapang paglaban para sa kalayaan, na patuloy na nagsisilbing gabay sa mga lingkod-bayan at mamamayan sa kasalukuyan.
Ang paggunita sa Rizal Day ay hindi lamang pag-alala sa kasaysayan kundi isa ring paalala sa tungkulin ng bawat Pilipino na ipagpatuloy ang diwa ng nasyonalismo, integridad, at malasakit sa kapwa.
Sa pagtatapos ng aktibidad, muling pinagtibay ng Lokal na Pamahalaan ng San Juan sa ilalim ng pamumuno ni MAYOR ILDEBRANDO D. SALUD ang paninindigan na isabuhay ang mga aral ni Dr. Jose Rizal sa pamamagitan ng tapat, makabayan, at makataong paglilingkod sa mamamayan.
#OneSanJuan
#BetterSanJuan
0 Comments