Nagdaos ang Sangguniang Bayan ng San Juan, Batangas ng public hearing o pampublikong pagdinig nitong Martes, Setyembre 16, 2025, upang talakayin at kunin ang saloobin ng publiko ukol sa mahahalagang panukalang ordinansa na layuning mapabuti ang kaayusan, kalusugan, at seguridad sa bayan.



Nagdaos ang Sangguniang Bayan ng San Juan, Batangas ng public hearing o pampublikong pagdinig nitong Martes, Setyembre 16, 2025, upang talakayin at kunin ang saloobin ng publiko ukol sa mahahalagang panukalang ordinansa na layuning mapabuti ang kaayusan, kalusugan, at seguridad sa bayan. 

Dinaluhan ito ng mga halal na opisyal ng bayan kabilang sina Sangguniang Bayan Members, Konsehal Wenilo Ada (representative), Konsehal Angelo Luis Marasigan (representative), Konsehal Florencio De Chavez, Konsehal Shalimar Salud, Konsehal Miljun Magadia, Konsehal Gerardo Tantay, Jr., Konsehal Grenalyn Virtusio, LL.B, Konsehal Owen Manimtim, ABC President Liwelyndo Vergara, SK Federation President Jeryk Dwight Rafhael Bait (representative), at mga kinatawan nina MAYOR ILDEBRANDO D. SALUD at Vice Mayor Octavio Antonio L. Marasigan. 

Present din sa public hearing sina Municipal Administrator Annalyn Macaraig, Sangguniang Bayan Secretary Margarito Sevilla, Jr., mga pinuno ng mga departamento at tanggapan ng pamahalaang bayan, national government agencies, kinatawan mula sa iba't ibang sektor ng lipunan kabilang na ang mga opisyal ng barangay, kinatawan ng paaralan, mga negosyante, at ilang miyembro ng civil society organizations.

Isa sa mga tampok na panukala ay ang "Ordinance Enacting Community-Based Rehabilitation Program (CBRP) for Person Who Used Drugs (PWUD)" na naglalayong magpatupad ng rehabilitasyon para sa mga indibiduwal na gumamit ng ipinagbabawal na gamot sa pamamagitan ng makatao at komprehensibong programa sa loob ng komunidad. Layunin ng ordinansang ito na bigyan ng panibagong pag-asa ang mga PWUD sa halip na sila ay ituring na kriminal, alinsunod sa adbokasiya ng pamahalaang nasyunal para sa rehabilitasyon kaysa sa represyon.

Isa pa sa mga tinalakay ay ang Amendment of SB Resolution No. 18, series of 2017, Municipal Ordinance No. 04-2017, na nagbabawal sa paggamit, pagbebenta, distribusyon, at pag-aadvertise ng sigarilyo at mga produktong tabako sa ilang piling lugar sa bayan. Sa ilalim ng bagong panukala, isasama na rin sa pagbabawal ang paggamit ng electronic cigarettes o vape (in certain places), alinsunod sa mga makabagong usapin sa pampublikong kalusugan. Layunin nito na protektahan lalo na ang mga kabataan mula sa masamang epekto ng paninigarilyo at vaping.

Tinalakay rin ang panukalang ordinansa para sa implementasyon ng IRR ng Republic Act No. 11036 o Mental Health Act. Nilalayon nitong palakasin ang serbisyo para sa mental health sa lokal na antas. Sa pamamagitan ng lokal na ordinansa, makakabuo ng mas konkretong programa at mekanismo para matulungan ang mga indibiduwal na may mental health issue.

Bukod dito, isinulong din ang panukalang ordinansa na nag-oobliga sa lahat ng mga establisyementong pangnegosyo sa San Juan na mag-install ng CCTV systems bilang bahagi ng rekisito sa pagkuha ng business permit. Alinsunod ito sa DILG Memorandum Circular No. 2014-119 na naglalayong palakasin ang seguridad sa mga lugar na itinuturing na high-traffic at high-risk kagaya ng mga bangko, gasoline stations, pawnshops, convenience stores, at iba pa. Batay sa talakayan, ang pagkakaroon ng CCTV ay mahalaga sa pagresolba ng krimen at pagbibigay ng proteksyon sa publiko.

Panghuli, isinama rin sa pagdinig ang panukalang ordinansa na nagbabawal sa pagpapalipad ng drone sa loob ng isandaang (100) metro mula sa mga pasilidad ng kulungan, upang mapangalagaan ang seguridad ng mga detention facilities sa bayan. Nakasaad dito ang mga kaukulang parusa sa sinumang lalabag, bilang bahagi ng hakbang upang mapigilan ang posibleng paggamit ng drone sa ilegal na aktibidad sa loob ng piitan.

Binigyang-diin ng Sangguniang Bayan na ang lahat ng ito ay may layuning itaguyod ang isang mas ligtas, mas malusog, at mas maayos na pamayanan para sa bawat mamamayan ng San Juan, Batangas.

Post a Comment

0 Comments