Ugnayan sa Barangay at Serbisyo Caravan sa ilalim ng Retooled Community Support Program (RCSP)



 Isang makabuluhang araw ng pagtutulungan at serbisyong bayan ang isasagawa sa Brgy. Escribano, San Juan, Batangas sa pamamagitan ng Ugnayan sa Barangay at Serbisyo Caravan sa ilalim ng Retooled Community Support Program (RCSP) ng Department of the Interior and Local Government (DILG), katuwang ang Pamahalaang Bayan ng San Juan sa ilalim ng pamumuno ni MAYOR ILDEBRANDO D. SALUD kasama si VICE MAYOR OCTAVIO ANTONIO L. MARASIGAN at SANGGUNIANG BAYAN MEMBERS, at ang Liga ng mga Barangay San Juan Batangas.

Isasagawa ito sa Biyernes, Hulyo 18, sa Covered Court ng Brgy. Escribano. Magsisimula ang registration, 7:00 ng umaga.
Layunin ng programa na tugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan maging ang mga isyung panlipunan na ugat ng insurhensiya.
Sa pamamagitan ng RCSP, inilalapit sa mga barangay ang iba't ibang serbisyo ng pamahalaan upang mapalakas ang tiwala ng mamamayan sa gobyerno at mapasigla ang pakikilahok ng komunidad sa lokal na kaunlaran.
Ilan sa mga serbisyong ihahatid sa naturang caravan ay ang medical and dental mission, at ang mga serbisyong magmumula sa iba't ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan at national government.
Bahagi rin ng aktibidad ang Ugnayan sa Barangay, kung saan makikipagdayalogo ang mga kinatawan ng DILG, lokal na pamahalaan, at iba pang ahensya sa mga opisyal at mamamayan upang talakayin ang mga isyu sa komunidad at maglatag ng mga konkretong hakbang para sa kapayapaan at kaunlaran.
Kasabay ring isasagawa ang Local Recruitment Activity mula ika-8:00 hanggang ika-11:00 ng umaga katuwang ang MAXIM DE HUMANA INTERNATIONAL, INC.
Samantala, ang RCSP ay patunay ng pagkakaisa ng nasyonal at lokal na pamahalaan upang masigurong walang Pilipino ang naiiwan sa pag-unlad.

Post a Comment

0 Comments