Alinsunod sa Rule 7, Section 3G ng Implementing Rules and Regulations ng RA 10121, isinagawa ang Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA) Training bilang bahagi ng pagpapaigting sa emergency management sa pangunguna ng Lokal na Pamahalaan ng San Juan, sa pamumuno ni MAYOR ILDEBRANDO D. SALUD na siyang MDRRMC Chairperson, sa pamamagitan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), kasama ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC), sa pangangasiwa ng Office of the Civil Defense (OCD).
Ang pagsasanay ay alinsunod sa itinatakda ng Republic Act 10121 na layuning mapaigting ang kakayahan ng mga tauhan sa mabilis at epektibong pagtukoy ng pinsala at pangangailangan ng mga apektadong komunidad matapos ang isang sakuna.
Kasamang dumalo sa aktibidad sina Municipal Councilor Florencio De Chavez at Municipal Councilor Miljun Magadia, bilang mga kinatawan ng Sangguniang Bayan, Municipal Administrator Annalyn Macaraig, at ilang department head at opisyal ng barangay mula sa iba’t ibang bahagi ng bayan.
Nakiisa rin sa pagsasanay ang mga kinatawan mula sa iba't ibang National Government Agencies tulad ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), at Philippine Coast Guard (PCG) San Juan Sub-station. Dumalo rin ang mga kasapi ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) kabilang ang mga miyembro ng Liga ng mga Barangay, BATELEC, San Juan Water District, mga kinatawan mula sa San Juan West and East District, at ang grupo ng REACT Lambayok mula sa CSO.
Layon ng training ang pagbuo ng mga standard operating procedures para sa deployment ng RDANA teams, pagpapalitan ng impormasyon sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, at koordinasyon bago at matapos ang sakuna.
Bahagi ng pagsasanay ang paghahanda ng mga RDANA team na maaaring agad maipadala sa mga apektadong lugar upang magsagawa ng agarang pagsusuri sa pinsala, pangangailangan, at kakayahan ng lokal na pamahalaan na tumugon.
Ang RDANA ay isang mahalagang kasangkapan sa disaster response na nagbibigay ng mabilis na "snapshot" o kabuuang larawan ng epekto ng sakuna.
Sa ilang araw na pagsasanay, nagtamo ng kaalaman ang mga kalahok sa limang pangunahing modules partikular ang Introduction sa RDANA, Concept of Operations, Mobilization, Assessment Methodologies, at Preparations.
Sa pamamagitan ng training, inaasahan namang taglay na ng mga kalahok ang sapat na kaalaman, kasanayan, at tamang pananaw upang magamit ang RDANA sa pagpaplano ng mga life-saving interventions para sa mga komunidad na naapektuhan ng mga sakuna.
Ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng Pamahalaang Bayan ng San Juan, alinsunod sa direktiba ni MAYOR ILDEBRANDO D. SALUD katuwang si VICE MAYOR ANTHONY MARASIGAN at SANGGUNIANG BAYAN MEMBERS, na maging mas mabilis, organisado, at matatag ang pagtugon sa mga kalamidad.
0 Comments